Friday, December 16, 2011

Media ethics can only exist in democracy

Sisimulan ko ang papel na ito sa pagbibigay depinisyon sa salitang etika. Ang etika ay ang moral na paniniwala sa konsepto ng tama o mali. Kung i-uugnay ito sa konsepto ng demokrasya, masasabi kong ito ay magkabuhol. Sinasalamin ng etikang pang-midya ang namamayaning uri ng estadong mayroon ang isang bansa. Kung ito ay pinaghaharian ng isang awtoritariyan o diktatoryal na pamamalakad, marahil ay imposibleng mabuhay ang ideya ng midya etiks sa kadahilanang ang midya, ay kinokontrol, sinasakal, at nililimitahan ng awtoridad. Sa madaling salita, walang malayang pamamahayag. Ang lahat ay idinidikta alinsunod sa mga naisin ng may kapangyarihan. Kung gayon, para saan pa ang midya etiks?

Ngunit paminsan, depende rin ito sa kung paano natin tinitingnan ang etika. Naniniwala akong abusado ang midya sa karapatan nitong alamin ang katotohanan. Subalit, kung hindi ito abusado, hindi natin malalaman ang maliliit na detalyeng nagaganap sa gobyerno, sa bayan, sa lipunan, at sa mundo. Kung ang usapin naman ay ukol sa kaugnayan nito sa demokrasya, siguro dapat nating isipin kung ano ang batayan nito. Ito ba ay ang malayang pagsisiwalat ng impormasyon? Ng katotohanan? Maging tama man ito o mali? Nakakatapak man ito sa iba o hindi? Sa panahong inuulan ng mga walang muwang na mamamayan ang isang bansa, naniniwala akong ang impormasyon ang nagmimistulang saligang-batas ng mga mamamayan; sandata laban sa pagmamanipula ng makapangyarihan.

Sa aking palagay, kinakailangang liyaban ng demokrasya ang apoy ng jornalismo upang ito ay makapagsimula. Ito ang pinakaunang prinsipyo ng etikang pang-midya. Dapat magkaroon ng manipestasyon ng demokrasya sa sarili nitong “self-conduct” upang ito ang maging epektibo sa pagbubukas ng sarili sa publiko. Ang kalayaan sa pamamahayag at impormasyon ay mahalaga sa anumang umiiral na demokrasya. Ang partisipasyon ng publiko sa paggawa ng mga desisyon ay nangangahulugan sila’y dapat siksik sa kaalaman at malayang palitan ng kanilang mga opinyon. 

Minsan, naisasaalang-alang ang demokrasya sa tuwing may masasagasaang nasa kapangyarihan. Ito ang dahilan kung bakit maraming media practitioner at journalist ang nakukulong o ‘di naman kaya ay, ipinapapatay. Kaya mahalaga ang midya etiks sa isang demokratikong bansa dahil nagsisilbi itong gabay sa tamang proseso ng responsableng jornalismo. Pumapasok na rito ang ideya ng self-regulation bilang tugon sa social responsibility ng bawat bahagi ng industriyang ito. Sa tingin ko, kailangang subukan ng midyang palawakin ang konsepto ng demokrasya. 

Base sa aking mga nasaksihan, hindi nagtagumpay ang tradisyunal na midya sa pagpapakilala, pagpapanatili, at pagpapakalat ng demokrasya sa ating bansa. Sinasalamin lamang nito ang mga nakahain nang ideyolohiya’t kaugalian ng isang lipunan. Mabuti na lamang at umuusbong ang makabagong midya kung saan nakikita ng publiko ang posibilidad ng mas malawak na patunay ng demokrasya at pagputol sa pagwawalang-bahala ng marami sa atin. Sa panahon ngayon, mas tumitindi ang tungkulin ng midya etiks sa pagiging gabay nito hindi lamang sa mga tao sa industriya kundi maging ng mga simpleng mamamayang nais tumugon sa mga isyu ng lipunan.  


from: http://angdiaperninanay.blogspot.com/2011/11/media-ethics-can-only-exist-in.html

1 comment: